Kung Paano Mamaalam sa Naging Kanlungan

Ni: Jeric F. Jimenez

Nakasakay ako ngayon sa harapan ng jeep. Hindi ko alam pero habang nakasakay ako ngayon sa jeep na ito lalong nagiging makahulugan sa akin ang paglayo ng mga sasakyang nakaaabot sa sinasakyan ko. Hindi ko iniintindi ang mga lingunan ng mga tao. Ang paulit-ulit nilang bulungan na walang kahulugan, mga bulungang hindi ko alam kung ako ba ang kanilang pinag-uusapan. Hanggang sa unti-unting nilamon ng kawalan ang gulong ng sasakyan. Unti-unting kinukuha ng dilim at hamog ang katawan ng sasakyan hanggang sa tuluyan na silang mawala at hindi na maabot ng aking mga mata. Hindi ko alam pero sobrang makahulugan ang paglisan ng mga sasakyan sa harapan ko.

Nang bigla akong tumunghay sa mga usok ng tambutso. Nilalanghap ng ilong ko ang matinding asyot nito, at bigla akong nagbilang sa mga araw na ilalagi ko pa sa unibersidad. Kaunti na lang. Kaunting panahon na lang ang ilalagi ko. Tapos na ang tesis namin. Ilang araw na rin at matatapos na ang OJT ko. Oo. Papalapit na nang papalapit ang araw na pinakahihintay ko. Pinakahihintay ng maraming kabataan at pinakahihintay ng mga magulang.

Apat na taon na rin akong namamalagi sa publikasyong ito. Apat na taon na rin akong nangungulit sa iba’t ibang tao para sa interbyu. Apat na taong nag-aral at nagtiyaga kung paano magsulat. Sa totoo lang pumasok ako dito na hindi ko talaga alam kung paano magsulat ng balita. Wala akong ideya kung ano ang mga dapat gawin o kung ano ang mga dapat ikonsidera para sa isang maayos na balita.

Magdadalawang taon na rin nang hindi na isama sa lumang proseso ang pagbabayad sa Cata (The Catalyst), na nagresulta sa manu-manong paniningil ng pondo. Nagresulta rin na halos wala na kaming pondo. Halos wala na kaming magamit para sa pagpapalabas pa ng mga isyu. Mga isyung kailangang kailangan ng mga estudyante ng PUP. Mga isyung tila ayaw mabasa ng mga opisyal ng unibersidad at tila ayaw nilang lumabas sa opisyal na pahayag ng mga mag-aaral ng PUP.

Nagresulta rin ang manu-manong paniningil na wallnews na lamang ang kayang ilabas ng Cata para sa mga estudyante. Wala na yung nakikita kong binabasa ng mga estudyante na diyaryo talaga. Ansarap sarap sa pakiramdam na kasama ka sa gumawa nun. Na kasama ka sa pagpupuyat, paghahabol at pagsusulat. Wala na yung dating 12 pager o 16 pager na diyaryo. Caya ngayo’t narito ang Cata nasa website na lamang. Hindi ko alam kung lahat ba ng mga estudyante ng unibersidad ay makakabisita sa website na to’ kung makakapagtiyaga pa kaya sila. Hanggang sa inihehele na nga ako sa duyan ng dyip. Umiikot ang mga bagay, ang mga taong nakakasalubong nito. Papaano nga ba mamaalam? Para ba itong saranggola na kapag tuluyang binitawan sadyang lilipad na walang maliw o parang dyip na walang katapusan ang pag-andar. Na sa dulo ng biyahe ng dyip walang kasiguruhan.

Habang idinuduyan ako ng sasakyan nagbalik sa ala-ala ko yung mga naiambag sa akin ng publikasyong ito. Mula sa kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko at ang mga eksperyensyang babaunin ko paglabas ng unibersidad. Ilang araw na lamang ang natitira sakin’ para sa pamamalagi ko dito ngunit kitang kita ko parin yung pangangailangan para sa impormasyon. Mga impormasyong kailangang kailangan ng mga estudyante.

Sa ganitong kalagayan iiwan ko ang publikasyong kumanlong sa akin ng apat na taon. Sa publikasyong nagbigay daan kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko. Sa pub na nagturo sa kung ano ang tunay na kalagayan ng marami nating kababayan. Kung ano ang tunay na mukha ng kahirapan. Kung sino ang may kasalanan, at naging bulwagan ng maraming anak ng bayan.

Siguro kung bibilangin ko yung mga natutunan ko sa pub na to’ at sa mga taong nakasama ko hindi nun mapapantayan ng apat na sulok ng klasrum. Sa mga ganitong pagkakataon tama ang tinuran ng isang lider “habang patuloy ang iyong paggiit para sa karapatan ng mamamayan patuloy ka rin nilang gigipitin”. Ito ang nangyayari ngayon sa Cata. At ganito ko rin siya iiwan.

Ngunit hindi niyon mapipigilan ang Cata sa paglalabas ng mga isyung naglalantad sa kabuktutan ng kasalukuyang adminstrasyon lokal man o pambansa. Tawag ng pangangailangan ang magsulat para sa sambayan dahil hindi maitatanggi na may mali sa estado may hindi tamang ginagawa ang kasalukuyang administrasyon. Itinala na ng kasaysayan na kasama ang Cata sa pagpapatuloy ng laban ng mga estudyante. Umalis man ako tiyak kong maraming papalit na kamay, maraming papalit na pangalan na magsusulat para sa inyo ng mga balita, tula at maikling kwento. Umalis man ako magpapatuloy ang Cata para sa pakikibaka para sa mga iskolar ng bayan.

Papalapit na ako nang papalapit sa aking destinasyon. Paparami naman ng paparami ang mga sasakyang umuusad, lumalayo at nawawala sa harapan ko. Isa-isang lumalayo ang mga sasakyan, hanggang sa tuluyan silang kunin ng mga hamog at hindi ko na makita. Lalong bumigat ang damdamin ko nang mabilis ang kanilang pag-andar. Lalong bumigat ang nararamdaman ko nang hindi ko na maaninag ni kulay, ni ingay, ni amoy ng tambutso. Naiwan akong bumaba na walang tigil pa rin sa paglisan ang mga jeep.

Leave a comment

Filed under statements

Hindi kami sinungaling

SABI ng aming ina at ama—bawal ang magsinungaling laluna’t isusulat mo ito at ipababasa sa madla.

Isang propaganda ang inilabas sa opisyal na pahayagang pang-administrasyon, ang PUP News, na nagsisinungaling ang The Catalyst (TC), nang sabihin nitong sa panahon ni Dr. Dante G. Guevarra lamang na itinigil ang paniningil, gamit ang pasilidad ng unibersidad, alalaong baga, ang Accounting Office, para sa bayad sa publikasyon na nagkakahalaga ng P20.

Ayon sa nalathalang isang pahina’t kalahating artikulong pinamagatang Ang Katotohanan sa Likod ng Kasinungalingan, mababasa ang ganitong mga talata:

Maalalang dahil hindi episyenteng (sic) manwal na pangongolekta ng TC fees, minarapat ng patnugutan ng TC na makiusap noon ay kauupo lamang na tagapangulo ng PUP na si OIC Dr. Dante G. Guevarra, gawing centralized ang collection nito (PUP News, Vol. VII No. 3 February 1-15, 2010; p. 4).

Ang katotohanan: Taong 2003 pa lamang, panahon ni Dr. Samuel S. Salvador, na noon ay ginawang tagamapahalang panlahat ng PUP nagsimula ang pagsama ng TC fees sa Miscellaneous Fees na ikinakarga sa semestral na bayarin ng mga mag-aaral ng PUP. Sampung piso pa noon ang halaga ng TC, kung magugunita nang medyo may katagalan nang nag-aaral sa ating Sintang Paaralan.

Akusasyon pa ng nagpakilala lamang na “Banang,” umaabot na sa P2.5 milyon ang hindi na naiuulat na gastusin ng publikasyon subalit hindi naman niya nabanggit kung mula anong taon ang sinasabi niyang halaga.

Totoo. Mayroong ilang pamunuan ang The Catalyst na hindi agad nakapagpasa ng liquidation subalit sa kasaysayan ng publikasyon, agad din naman itong naaayos. Ang pruweba: nakapagtapos nang walang sagabal at walang obligasyon ang naunang mga patnugot, tapag-ulat at maging taga-simpatya ng TC. Paano ito mangyayari kung hindi maayos na nailatag ang likidasyon ng mga ginastos ng publikasyon buhat pa nang una?

Nakatutuwa—manapa’y nakatatawa—ang sinasabing analohiya na ginamit ni Ka Banang sa kanyang sanaysay na dapat kang magsauli ng sukli sa iyong ina kapag may binili ka. Anong sukli ang kanyang pinagsasasabi samantalang ang kanyang hinihingi ay paliwanag kung saan ginastos ang pondong nagmula sa mga mag-aaral na, ayon pa sa kanya, ay mula sa bulsa ng kanilang mga ama at ina? Kung tutuusin, ang nakaraang administrasyon ng TC ay nakapaghatag nang kompleto at kongkretong talaan ng kanyang mga nagastos at nalalabing pera sa bangko na kung tutuusin ay pahirapan pa kung ikaw ay kukuha samantalang pera naman iyon ng organisasyon.

Kung gayon, saan nakuha ni Ka Banang ang P2.5 milyong diumano’y hindi nalinaw na gastos ng TC? Wala ni isa mang dokumento siyang inihatag na magpapatunay sa kanyang mga paratang.

Isa pa, isang malaking pamumusong (blasphemy) ang paggamit niya ng pangalan ng Panginoong Diyos upang sabihing taal na sinungaling ang tagapagbunyag ng katiwalian at represibong pamamaraan ng mga nasa estado-poder ng Paaralang ito. Hindi ba nila naiisip ang ilang hindi pa rin nasasagot na mga katanungan ukol sa ilang akusasyon ng katiwalian ng Administrasyong Guevarra sa sumusunod na mga proyekto:

– Gaano kamahal ang flagpole na nasa gitna ng Unibersidad?
– Magkano ang totoong ginastos ng PUP sa pagpapaganda ng kapaligiran ng Unibersidad samantalang nananatiling parang kural ng baboy ang kasilyas, parang minasaker ang mga gamit at silid-aralan, at maging ang hindi rin maipaliwanag na Kubo ni Mabini sa loob ng kampus?
– Magkano ang gastos sa pader, ang pathwalk na kilala rin bilang catwalk, maging ang Pylon at ang Mabini Circle? Hindi ba’t dapat nakalikida rin iyon?
– Para saan din ang surveillance cameras na nakalagay sa tarangkahan at maging sa ikalawang palapag ng punong gusali ng PUP?

Batay sa pagkakaalam namin, mayroong ilang nagsabing may lutong Makaw ang naturang mga proyekto. Nilinaw din ba ito ng ating pinakamamahal na administrasyong Guevarra?

Hindi kami nang-iintriga. Wala kaming hilig sa tsismis. Hindi kami si Boy Abunda o Cristy Fermin, (pasintabi sa mga nabanggit) Sa totoo lamang kami.

Hindi rin kami nagsusulat para makipag-away. Nasa demokratikong bansa tayo at may kalayaang sagutin nang mga nasasaling ang isyung ibinabato sa kanila. Subalit nananatili silang tahimik.

May matandang kasabihan: Ang pananahimik ay palatandaan ng pag-amin. At kami, hindi kami nananahimik. Kaya, hindi rin kami nagsisinungaling.

Leave a comment

Filed under statements

Alternatibo

Ni: Mark P. Bustarga

Marahil ay nagtataka ang marami kung hanggang sa ngayon ay wala pa ring nailalabas na dyaryo ang The Catalyst. Ironic anila, dahil kami ang opisyal na pahayagan ng PUP. Ngunit hindi ba’t mas ironic na sa kabila ng pagkakakilanlan naming bilang opisyal na pahayagan, ay ganoon na lamang ang pagpapabaya sa amin ng kasulukuyang administrasyon ng PUP?

Palagian naming binibigyang diin na ang lahat ng ito ay bunsod ng pagkakatanggal ng The Catalyst fee (P20) kasama ang SKM fee (P15) sa miscellaneous fees tuwing enrollment. Ito ang ibinunga at naging kabayaran namin sa simpleng pagtataguyod at pagsusulong ng malayang pamamahayag: isang responsible, mapanuri at maka-estudyanteng paraan ng pamamahayag.

Ang patuloy na pagliit ng aming pondo ang nagtulak sa aming subukan ang lahat ng alternatibong natitira upang ipagpatuloy ang aming gawain bilang pahayagan. Mula sa wall news (kung saan naglathala kami na ipinaskil sa pader sa iba’t-ibang bahagi ng unibersidad), ay tinungo naming ang friendster at maging ang kinahuhumalingan ng marami na facebook. Naglunsad din kami ng income generating project sa pamamagitan ng pagbebenta ng t-shirts. Nagawa na rin naming humingi ng donasyon mula sa mga estudyante, sa mga dating myembro ng TC at sa iba pang kaibigan at kakilala. Ang lahat ng ito ay kinasangkapan namin upang kahit paano ay makapagpatuloy ang aming operasyon.

Subalit batid namin ang ilang kakulangan ng mga pamamaraang ito. Gaya halimbawa ng friendster at facebook, alam naming marami pa din ang hindi nakasasabay sa teknolohiya, dahilan upang hindi makarating sa kanila ang mga balita. Kung kaya’t sa lahat ng ito, ang paglalathala pa rin ng normal na dyaryo ang nanatiling pinakaepektibong paraan upang mapabatid sa buong komunidad ng PUP ang mga dapat nilang malaman.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang kampanyang DEFEND OUR CATALYST upang maibalik ang TC kasama ng SKM sa dati nitong proseso nang sa gayon ay manumbalik din ang dalawang institusyon sa dati nitong operasyon. Tuloy ang pagmamatigas ng administrasyon subalit mas higit naming itong tatapatan. Hinding hindi kami kailanman susuko. At hanggat kaisa namin ang mga iskolar ng bayan ay naniniwala kaming mapagtatagumpayan natin ang labang ito.

Pansamantala, nakahanda kaming patuloy na gamitin ang mga natitirang alternatibo at patuloy na tutuklas ng iba pang pamamaraan. Mananatili kaming ang The Catalyst na nakilala nyo mula noon hanggang ngayon, ang TC na nagsisilbing alternatibong pahayagan: isang pahayagang kaiba sa mainstream, sumusuri at tumatalakay ng mga usaping tumatagos sa atin bilang mga iskolar ng PUP at bilang mga mamamayan ng ating bansa. Kami pa rin ang TC na titindig bilang pro-students, pro-masses. Patuloy kaming tatalima sa aming dictum na to write not for the people is nothing. Higit sa lahat, patuloy kaming magsusulat at magmumulat, humantong man ito sa pagpula ng tinta ng aming pluma.

Leave a comment

Filed under statements

Opisyal na Pahayag hinggil sa nagaganap na panunupil ng administrasyon ng PUP sa usapin ng pondo ng The Catalyst

Ang The Catalyst (TC), opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ay naglalayon na magsilbing isang mabisang ahente ng pagbabago hindi lamang sa loob ng ating pamantasan kundi pati na rin sa sambayanan.

Mariing kinukondena ng TC ang panggigipit ng administrasyon ng PUP sa ilalim ni Dr. Dante Guevarra sa usapin ng pondo. Matatandaang dalawang taon na ang nakakalipas mula nang alisin sa breakdown ng binabayarang miscellaneous fee ang P20 na publication fee ng TC at P15 student council fee ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral. Sa isang dayalogo, nagkaroon ng pahayag si Dr. Guevarra na sinabihan umano namin siya sa isang pagkilos na huwag mangingialam sa mga nasabing institusyon. Bukod pa rito, minura umano namin ang kanyang ina. Lumalabas na hindi lamang ang kahinaan sa pagpapasa ng financial statement ang naging batayan upang alisin ang TC at SC fees sa miscellaneous fees kung hindi maging ang mismong personal nitong basehan.

Dante G. Guevarra, D.P.A., President of the Polytechnic University of the Philippines

Bilang pagtupad sa kredo ng TC na “pro-students, pro-masses”, patuloy na isinisiwalat ng publikasyong ito ang katotohanan lalo na kung ito ay makakaapekto sa mga kapwa Iskolar ng Bayan at ng malawak na mamamayan. Kung matatandaan, noong summer break ng 2008 rin ang panahon ng paggigiit ng administrasyong Guevarra sa iligal na dagdag-bayarin sa muka ng Student Information System (SIS), kung saan naging mahigpit nitong kritiko ang TC. Ang pagpapatahimik sa kanilang mga ‘kritiko’ ay isang paraan na masiguro ang mas swabeng pagpapatupad ng mga mapagsamantalang iskema laban sa mga estudyante.

Humigit-kumulang P700, 000 ang pondo ng TC para sa isang semestre. Dahil sa manu-manong koleksyon noong nakaraang taon, P446,820 lamang ang nasingil noong unang semestre at mas mababa pa rito ang nakolekta ng ikalawang semestre na umabot lamang sa P406,100. Halagang P61,240 naman ang nakolekta noong nakaraang summer.

Ngayong taong panuruan 09-10, halos hindi na umabot sa P300,000 ang nasingil sa unang semstre habang halos lalagpas lamang sa P150,000 ang nakuha sa ikalawang semestre. Nagbunga ang mababang pondo sa pagliit ng bilang ng mga dyaryo na nailabas ng TC. Mula sa 12-pager tabloid size na regular issue ng TC at two-color cover and back page, naglabas na lamang ang TC ng black and white bondpaper size na dyaryo. Nitong Nobyembre, tanging mga wall news na lamang ang nailabas na dyaryo, bunsod na rin ng kawalan ng pondo. Naging sanhi rin ito upang maging abala ang mga manunulat ng publikasyon sa paniningil at mapabayaan ang paggawa ng dyaryo.

Sa kasalukuyang represyon na nararanasan ng TC, malinaw na ito ay may kumpas ng administrasyong Guevarra. Tanging ang mga ganid sa kapangyarihan at pagkakakitaan ang makikinabang sa unti-unting pagsasara ng ating publikasyon. Walang anumang natatanggap ang TC mula sa admin upang masigurado na magiging bahagi ng enrolment process ang pagbabayad ng TC fee. Sa halip, patuloy ang pagrerelease ng mga registration card sa mga estudyante kahit hindi pa ito bayad. Ito ay patuloy na nangyayari kahit pa paulit-ulit nang pinapadalhan ng notice ang iba’t ibang opisina na may kaugnayan sa pag-eenrol.

Ang laban ng TC ay laban din ng bawat isang Iskolar ng Bayan. Bilang mga nagpopondo sa institusyon na ito, karapatan at tungkulin nating lahat na patuloy na pag-alabin ang sulo ng katotohanan at iparinig ang makapangyarihang boses ng mga kabataan laban sa kahit na sinong nagtatangkang ipagkait ito sa atin.

Makakaasa ang bawat isang PUPian na patuloy ang kampanyang ‘Defend The Catalyst’ dito sa ating pamantasan, maging sa mas mataas pang porma ng pakikibaka – sa Kongreso man o sa kalsada. Umaabot na tayo sa panahon na mismong ang administrasyong Guevarra na ang gumagawa ng sitwasyon upang itaas ang antas ng pakikipaglaban ng mga manunulat ng bayan. Kasabay ng paghawak sa ating mga pluma, hindi mag-aatubili na tumangan din ang mga manunulat ng mga plakard at bandila ng pakikibaka.

Inaanyayahan ang lahat na lumahok sa mga gaganaping pagkilos sa pangunguna ng TC upang ipakita ang pagkadismaya na mga manunulat at mga Iskolar ng Bayan sa kawalan ng pondo ng opisyal na pahayagang sumasalamin sa 24 taon ng kasaysayan ng pagsulat, pagmulat at pakikibaka sa PUP.

Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!

Defend Campus Press Freedom!

Defend The Catalyst!

Leave a comment

Filed under statements